Kabanata 8 El Filibusterismo
Kabanata 8 el filibusterismo
Kabanata 8
Maligayang Pasko
EL FLIBUSTERISMO
Nang magising si Juli na namumugto ang mata ay madilim pa, at ang mga manok ay kasalukuyang nagtitilaukan. Una niyang naisip ang himala ng Birhen at ang hindi pagsikat ng araw. Siya ay nagbangon, nag-antanda at taimtim na dinasal ang mga dalanging pang umaga, at pagkatapos ay lumabas sa batalan. Hindi nagkahimala, at ang araw ay namamanaag na. Ang gayo'y malabis na paghingi, madali pang magawa ng Birhen ang magpadala ng dalawang daat limampung piso. Ano na lamang sa Ina ng Diyos na magbigay noon. Ngunit tanging ang sulat ng amang humihingi ng pantubos na limangdaang piso ang naroroon. Wala nang paraang kundi lumakad. Siya ay nagluto ng salabat, ngunit ngayo'y parang panatag na ang kanyang kalooban. Ang bahay na kanyang paglilingkuran ay di naman kalayuan, makadadalaw siya sa kanyang Ingkong tuwing ikalawang araw, at alam naman ni Basilio na masama ang lagay ng usapin ng kanyang ama. Samantalang inaayos ang tampipi ay nahagkan niya ang lacket na may brilyante at esmeralda, ngunit kaagad itong itinago nang maalaalang yaoy nanggaling sa isang ketongin.
Nooy maliwanag na. Nakita niya ang kanyang Ingkong na sinusundan ng tingin ang lahat ng kanyang kilos, kaya kinuha niya ang tampipi ng damit at nakangiting humalik ng kamay. Binendisyunan siya ng matanda na walang kaimik-imik. "Pagdating ni itay ay ipakisabing napasok din ako sa kolehiyo; ang Panginoon ko'y marunong ng Kastila", at nang makitang nahihilam sa luha ang mata ng matanda ay sinunong ang kanyang tampipi at matuling pumanaog sa hagdanan. Ngunit nang lumingon upang tumanaw pang muli sa nilakhang tahanan, tahanang naging bahagi ng kanyang kabataan hanggang sa kanyang pagdadalaga ay nawala ang kanyang maliksing kilos, napahinto siya, ang kanyang mga mata ay nahilam ng luha at matapos umupo sa isang sanga ng puno ng kahoy sa tabi ng daan ay umiyak nang kahapis-hapis.
Mataas na ang araw nang dumungaw sa bintana si Tandang Selo at tinatanaw ang mga taong nangakabihis ng pamasko patungo sa bayan upang magsimba sa misa mayor.
Ang araw ng pasko sa Pilipinas, ayon sa matanda ay pista ng mga bata, mga batang hindi kasang-ayon sa gayong akala, at marahil ay nagpapalagay na ang pasko ay kinatatakutan nila. Ginigising silang maaga sa araw na iyan, sinusuutan at ginagayakan, isinisimba sila sa misa mayor na kulang-kulang sa isang oras ang haba, at kung hindi man sila pinagdarasal ng rosaryo ay kailangan naman nilang huwag maglilikot at sa bawat galaw na makapagpaparumi sa damit ng kurot ang katugon. Matapos iyon ay ipinapanhik sila sa bahay ng mga kamag-anakan upang humalik ng kamay, at doon ay kailangang ipakita nila ang kanilang nalalaman sa pag-awit, pagsayaw, sa ibig man o sa ayaw. Ang tanging alaala sa kanila ng tanging araw na iyon ay mga bakas ng kurot.
Ang mga taong may kagulungan na, may sarili mang pamumuhay ay nakakalahok din sa pistang ito, sa pamamagitan ng pagdalaw, pagluhod at pagbati ng maligayang pasko sa kanilang mga magulang at mga amain at ale. Ang kaniilang aginaldo ay matamis, bungang kahoy, isang basong tubig o isang bagay na walang gaanong halaga.
Nakita ni Tandang Selo ang pagdaraan ng kanyang mga kaibigan at malungkot na inisip na wala siyang maibibigay na aginaldo kanino man nang taong iyon, at ang kanyang apo ay umalis na wala rin siyang naibigay at hindi man lamang siya nabati ng magandang pasko.
Nang salubungin ni Tandang Selo ang mga kamag-anakang dumating na kasama ang mga bata ay hindi makabigkas ng anumang salita, at gaano man ang kanyang pagpipilit ay walang masabing anuman sa kanyang mga labi. Pinigilan ang kanyang lalamunan, umiling, inuga ang ulo ngunit wala ring nangyari. Gulilat na nagkatinginan ang mga babae.
"Napipi na!", ang sigawan ng mga nasisindak na noon din ay nagkagulo.
Comments
Post a Comment